Think Before You Click: Maging maingat sa mga link sa Facebook
Mga Kapuso, huwag basta-basta magki-click sa mga link na nakikita ninyo sa Facebook.
Kumakalat ngayon ang comment na nagsasabing puwede mong palitan ang color scheme ng iyong Facebook account. Wala pong ganitong feature ang Facebook. Gusto lamang ng gumawa nito na i-click mo ang link na kasama ng comment.
Kapag naengganyo kang i-click ang link, mapupunta ka sa isang website na maaring magnakaw sa mga impormasyon sa Facebook account mo. Pagkatapos nito, makikita mo na lamang na nagpo-post na ang iyong account ng mga link na kapareho ng na-click mo. Dahil dito, maaaring mainis sa ‘yo ang Facebook friends mo at baka i-ban ng admins sa pages na ni-like mo.
Laging tandaan, hindi porke’t link, dapat mong i-click.
Pero paano kung na-click mo na ang nasabing link, at na-hack na ang iyong account? Matutulungan ka ng Facebook. Pumunta lamang sa www.facebook.com/hacked at sundin ang mga instruction. —Ederic Eder, GMA News