Filtered By: Cbb
Community Bulletin Board

5 Finalist para sa Ikalawang Premyong LIRA sa ika-37 anibersaryo ng LIRA


Sa ika-37 anibersaryo ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), Inc. at pag-alaala sa kaarawan ng bayaning Emilio Jacinto sa 15 Disyembre 2022, pararangalan ang limang finalist ng Ikalawang Premyong LIRA. Kabilang sa mga finalist ang mga akdang “Salaysay ng mga Itinakwil” (Roy Cagalingan), “Pagaspas ng mga Munting Pakpak” (Jhio Jan Navarro), “Kartilya ng Katarata” (John Brixter Tino), “Basag na Berso ang Uniberso” (Christian Vallez), at “Walang Bintana sa Aming Paraiso” (Ronaldo Vivo, Jr).  Tatanggap ng Php 15000, Php 9000, at Pgp 6,000 ang una, ikalawa, at ikatlong gantimpala.

Ang Premyong LIRA ay timpalak sa tula ng LIRA. Bukas ang timpalak sa lahat ng Filipino, kabilang ang mga kasapi ng LIRA (maliban sa mga opisyal ng LIRA at direktang tagapag-organisa ng timpalak). Layon nitong mahikayat ang mga makatang Filipino na kumatha ng pinakamahuhusay na tula.

“Sa unang dalawang taon ng Premyong LIRA, nakatutuwang masaksihan ang daan-daang makata at libo-libong tula ng bayan na nakikiisa sa timpalak. Sa Premyong LIRA, makikilala natin ang pinakamahuhusay nating makata,” wika ni Dr. Joti Tabula, ang kasalukuyang pangulo ng LIRA.

"Kapana-panabik taon-taon ang Premyong LIRA! Kayraming magagaling na makata na naghihintay lamang ng pagkakataong mabasa at makilala," dagdag ni Mia Francesca Lauengco, ang pangalawang pangluo ng LIRA at tagapamahala ng Premyong LIRA.

Sa unang taon ng Premyong LIRA, higit sa 300 ang lahok na binasa ng lupon ng mga hurado na kinabibilangan nina Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at Tagapagtatag ng LIRA Virgilio S. Almario, Fidel Rillo, at Prop. Danilo M. Reyes. Sa unang taon ng Premyong LIRA, pinarangalan ang mga tula nina Randy Villanueva (unang gantimpala), Mikael de Lara Co (ikalawang gantimpala), at Glenn Galon (ikatlong gantimpala). Binigyan din ng karangalang-banggit ang mga tula nina RB Abiva, Mirick Paala, at Mel Viado.

Ang Premyong LIRA ay suportado ng Merck, isang science and technology company na may opisina sa Filipinas. Ang Merck ang pinakamatandang pharmaceutical and chemical company sa buong mundo mula nang maitatag ito sa Darmstadt, Germany noong 1668.

Mapanonood nang live ang pagdiriwang ng ika-37 anibersaryo ng LIRA sa Facebook page nito, sa 15 Disyembre 2022, 7 n.g. Bukod sa pagbibigay-parangal, magkakaroon din ng pagtatanghal ng mga tula mula sa mga kasapi ng LIRA.

Ang LIRA ang nangungunang samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinatag noong 1985 ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario (aka Rio Alma), nagsilbi itong matagumpay na linangan ng di iilang batikang makata, tulad nina Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Romulo Baquiran Jr., Michael M. Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Jerry Gracio, at Edgar Calabia Samar. Noong 2011, kinilala ito bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) para sa mga gawain ng paglilingkod sa ngalan ng tula ng mga makatang-boluntaryo nito.

Para sa karagdagang detalye at iba pang katanungan, magpadala ng e-mail sa palihanglira@gmail.com.

Tags: lira