Filtered By: Cbb
Community Bulletin Board

Gawad Jacinto-LIRA at Premyong LIRA sa ika-36 anibersaryo ng LIRA sa Disyembre 15


Sa ika-36 anibersaryo ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), Inc. at pag-alaala sa kaarawan ng bayaning Emilio Jacinto sa 15 Disyembre 2021,  gagawaran ng organisasyon sina Phillip Yerro Kimpo at Aldrin Pentero ng Gawad Jacinto-LIRA.

Pararangalan din ang anim na finalist para sa unang taon ng Premyong LIRA (dating Gawad LIRA). Kabilang sa mga finalist ang mga akdang “Calosa” (RB Abiva), “Kung Ikaw Maging Abo” (Mikael de Lara Co), “Hindi Matigas Pero Concrete” (Glenn Galon), “Sa Iyo Laban sa Aking Sarili” (Mirick Paala), “Sa Batalan” (Mel Viado), at “Galugad” (Randy Villanueva). 

Ang Gawad Jacinto-LIRA ang pinakamataas na gawad ng LIRA para sa mga kasaping nagpakita ng kanilang husay sa larangan ng pagtula AT boluntaryong serbisyo sa organisasyon. Ipinangalan ang gawad sa patron ng organisasyon, ang batang bayaning Emilio Jacinto. Ito ang unang taon ng Gawad Jacinto-LIRA.

Si Kimpo ay naging pangulo ng LIRA noong 2009-2015. Sa kaniyang termino bilang pangulo nakasama ang LIRA sa Ten Accomplished Youth organizations (TAYO). Nakamit niya ang grand prize ng Maningning Miclat Poetry Awards in Filipino Poetry noong 2013. Pinarangalan din ang kaniyang mga tula sa Talaang Ginto ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Nakapaglathala na siya ng walong libro, kabilang rito ang una niyang koleksiyon ng mga tula, ang “alattala” (NCCA, 2020). Kasalukuyan siyang konsehal ng Kalibo, Aklan mula nang mahalal noong 2016.

Naging pangulo din ng LIRA si Pentero mula 2015-2021. Itinanghal siyang Makata ng Taon ng KWF noong 2017. Siya rin ay opisyal ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) at Filipinas Copyright Licensing Society, Inc (FILCOLS). Co-editor siya ng antolohiyang “Pitong Pantig, Pintig, at Pagitan: 50 Tanaga sa Panahon ng Pandemya” (NCCA, 2020). Kinatawan niya ang bansa sa Young Writers Forum na bahagi ng The First Forum of Asian Writers na ginanap sa Nur Sultan, Kazakhstan noong 2019.

Ang Premyong LIRA ay timpalak sa tula ng LIRA. Layon nitong mahikayat ang mga makatang Filipino na kumatha ng pinakamahuhusay na tula. Sa unang taon ng Premyong LIRA, higit sa 300 ang lahok na binasa ng lupon ng mga hurado na kinabibilangan nina Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at Tagapagtatag ng LIRA Virgilio S. Almario, Fidel Rillo, at Prop. Danilo M. Reyes.

Ang Premyong LIRA ay suportado ng Merck, isang science and technology company na may opisina sa Filipinas. Ang Merck ang pinakamatandang pharmaceutical and chemical company sa buong mundo mula nang maitatag ito sa Darmstadt, Germany noong 1668.

Mapanonood nang live ang pagdiriwang ng ika-36 anibersaryo ng LIRA sa Facebook page nito, https://www.facebook.com/PalihangLIRA, sa 15 Disyembre 2021, 6 n.g. Bukod sa pagbibigay-parangal, magkakaroon din ng pagtatanghal ng mga tula mula sa mga kasapi ng LIRA.

Ang LIRA ang nangungunang samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinatag noong 1985 ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario (aka Rio Alma), nagsilbi itong matagumpay na linangan ng di iilang batikang makata, tulad nina Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Romulo Baquiran Jr., Michael M. Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Jerry Gracio, at Edgar Calabia Samar. Noong 2011, kinilala ito bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) para sa mga gawain ng paglilingkod sa ngalan ng tula ng mga makatang-boluntaryo nito.

Para sa karagdagang detalye at iba pang katanungan, magpadala ng e-mail sa palihanglira@gmail.com.

Press release mula sa LIRA