Kababaihan sa himagsikan, tatalakayin sa ika-21 kumperensiya ng UP LIKAS
Ang UP Lipunang Pangkasaysayan (UP LIKAS) ay isang akademikong organisasyon ng mga mag-aaral ng kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas. Isa sa mga pangunahing aktibidad ng organisasyon ay ang pagtataguyod ng taunang Pambansang Kumperensiya ng mga Mag-aaral ng Kasaysayan. Isa ito sa mga pangunahing gawain ng UP LIKAS na naglalayong talakayin ang mga napapanahon at makabuluhang usapin tungkol sa iba’t ibang paksa sa kasaysayan. Nagsisilbing mahalagang tagpuan ang kumperensiyang ito upang mas mahasa ang mga mag-aaral na mag-isip nang kritikal lalo na sa mga paksaing may kinalaman sa disiplina. Sa adhikaing ito, kasabay ng pagdiriwang at paggunita sa ika-150 taong pagkasilang ng isa sa pambansang bayani ng bayan na si Dr. Jose Rizal, ginanap noong nakaraang taon ang Ika-20 Pambansang Kumperensiya ng UP LIKAS na pinamagatang “Mula Bagani Hanggang Bagong Bayani: Ang Pagpapatuloy at Pagbabago ng Dalumat at Hulagway ng Bayani at Pagkabayani sa Daloy ng Panahon.” Tinalakay sa nasabing kumperensiya ang historikal na kahulugan at pakahulugan sa “bayani” at ang pagbabago nito sa daloy ng panahon. Ang kumperensiya ay dinaluhan ng mga guro at mag-aaral ng kasaysayan sa mababa at mataas na paaralan, at mga kolehiyo at pamantasan mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Sa taong ito, muling itinataguyod ng UP LIKAS ang Pambansang Kumperensiya ng mga Mag-aaral ng Kasaysayan na may temang “SANGKABABAIHAN: Kababaihan sa Himagsikang Pilipino. Ito ay gaganapin sa Agosto 17-18, 2012 sa Bulwagang Tandang Sora, CSWCD, UP Diliman, Lungsod Quezon. Ang kumperensiya ay isang komprehensibong pagsisiyasat sa kahalagahan at tungkulin ng kababaihan sa panahon ng Himagsikang Pilipino ng 1896. Kaugnay ang tema sa pagpapakilala sa kababaihan sa himagsikan bilang bahagi ng paggunita sa ika-200 taong kapanganakan ni Melchora Aquino o Tandang Sora, ang itinuturing na Ina ng Himagsikan. Tatangkain ng kumperensiya na ipakita ang mga sumusunod: (a) mga pagtingin at pangkaisipang pagdadalumat kaugnay sa mga kababaihan (halimbawa ang dalumat ng ‘Inang Bayan’), (b) mga kontekstong pangkapaligiran, pangkabuhayan, panlegal/pulitikal, panlipunan, at pangkalinangan ng kababaihan bago at sa panahon ng pagsiklab ng Himagsikang Pilipino 1896; at (c) mga talambuhay at papel na ginampanan ng mga piling kababaihang lumahok sa himagsikan. Inaasahang ang kumperensiya ay muling magiging pagkakataon sa mga mag-aaral at mananaliksik sa kasaysayan na palawakin at palalimin ang kaalaman at kamalayang pangkasaysayan sa pamamagitan ng piling lektura at talastasan. Sa huli, nawa’y matanto ng mga magsisipagdalo ang saysay ng disiplina sa pagbibigay-linaw sa kahalagahan ng kababaihang Pilipino sa himagsikan at kasaysayan. Ang pagsusulong ng kumperensiyang ito ay “tungo sa isang kritikal at mas makabuluhang pag-aaral ng kasaysayan.” - Press release from UP LIKAS