Umani ng milyong views ang isang video nang makita at mahuli ang isang malaking pating habang nasa pantalan sa Barangay Pandan sa Real, Quezon. Ang sinapit ng pating, alamin.

"Sobrang laki. Doon lang ako nakakita ng ganu'n kalaking pating. Nakakatakot, malaki, singlaki ng bangka," sabi ni Kuya Etoha sa nakaraang episode ng "Dami Mong Alam, Kuya Kim!"

Ayon kay Kuya Kim, bagama't nakikita lamang ang mga Great White Shark sa mga malalamig na tubig sa Australia, posibleng meron din nito sa Pilipinas.

Dagdag ni Kuya Kim, marami sa beach animals, gaya ng mga balyena at iba pang sea mammals, ay posibleng maysakit o malapit nang mamatay kapag namataan ito malapit sa tabing dagat.

Ipinasuri sa eksperto ang video upang matukoy kung pating nga kaya ito.

"'Yung nasa video, malaki siya, basically napakalaki niya para roon sa regular na pating na nakikita ko. 'Yung kaniyang underbelly is white tapos 'yung back niya is greyish na hindi kahalintulad doon sa Great White," sabi ng animal expert na si Dr. Romulo Bernardo.

May paliwanag ang kumuha ng video kung bakit na-stuck o nananatili lamang ang namtaang pating sa isang gilid sa kanilang pier.

"Itinali po talaga siya ng mga taong barangay," sabi ni Kuya Etoha.

Ang naligaw na pating, namatay din noong araw na matagpuan ito ng mga tao, ayon kay Kuya Kim.

"Avoid 'yung dynamite fishing or blast fishing kasi ito'y nakasasama roon sa mga lamang-dagat. Use the traditional fishing," paalala ni Dr. Bernardo.

"If you are swimming tapos merong shark sa paligid mo, as much as possible stay calm, swim as natural away. Sometimes nagve-venture sila hindi lang doon sa malalalim, even sa mga malalapit sa pampang," dagdag pa niya.

Nagbabala rin ang animal expert na huwag papatayin ang mga pating dahil kaunti na lamang ang mga ito.

Hindi binanggit kung anong uri ng pating ang napadpad sa pier at kung ano ang dahilan ng pagkamatay nito.--FRJ, GMA Integrated News