Isang post ng netizen ang nag-viral kamakailan nang itanong niya kung bakit madalas kulay berde o green ang pintura ng mga pinapaupahang apartment. Pero lumalabas na marami rin palang bahay sa Pilipinas, lalo sa mga probinsya na berde rin ang kulay ng mga tahanan. Bakit nga ba?

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” unang itinampok ang green na bahay-kubo ni Cherrylyn Mantalaba sa Santa Catalina sa Negros Oriental, na halos mag-blend in na sa mga puno't halaman.

Pagpasok sa bahay, hitik din sa green ang kusina nito, pati na rin ang mga kagamitan gaya ng kurtina, mga sandok at mga baso.

“Super love na love ko po talaga 'yung kulay green. Kasi pagkagising mo lang sa umaga, makikita mo 'yung bahay mo na puro green. Maaliwalas, masarap sa pakiramdam,” sabi ni Mantalaba. “Sa tingin ko po, lahat ng nagastos ko sa loob ng bahay ko na puro green is nasa P10,000 to P15,000 yearly 'yun ha. Kasi mostly po talaga, ibang mga gamit ko sa loob ng bahay na puro green is bigay po 'yun sa akin.”

Noon pa man, pangarap na raw ni Mantalaba na magkaroon ng sariling bahay.

Lumaki siyang maliit lang ang kanilang bahay at lagi pa itong nasisira kapag may bagyo. Nagpursigi si Mantalaba at nakilala sa Maynila ang kaniyang mister. Pagkauwi ng Negros, inayusan at pininturahan na nila ng berde ang nirentahan nilang kubo.

Ginawa ring content ni Mantalaba ang kanilang green kubo, at kumita ng P60,000.

“Wala po akong pakialam sa sasabihin nila sa akin, na OA daw 'yung bahay ko kasi sobrang green na raw, masakit na raw sa mata. As long as wala po akong inaapakang tao, itutuloy ko talaga ang pagiging green-minded ko, este green flag pala,” sabi niya.

Pininturahan naman ni Shierly Mallare ng apple green ang kanilang bahay sa Gapan City, Nueva Ecija.

Kulay green din ang kaniyang mga gamit gaya ng throw pillow, figurine, salamin, at iba pa. Para kay Mallare, may hatid na suwerte ang kulay green.

Nagtrabaho noon si Mallare bilang factory worker sa Taiwan, at naiibsan ang pangungulila niya sa pamilya kapag napaliligiran siya ng anumang bagay na kulay berde.

“Ang green daw eh, hope. Tapos, sabi money daw ang green,” ani Mallare.

Nang makapag-ipon at umuwi na ng Pilipinas, binili ni Mallare ang second-hand na bahay na ibinenta sa kaniya ng kapatid, at nagdesisyon siyang pinturahan ito ng apple green.

Kontra noon ang kaniyang mister na si Rodolfo dahil tila pambabae ang green at mas gusto niyang kulay ang blue at gray.

Ngunit sa paniniwalang lucky charm nila ito, pumayag din si Rodolfo.

“Tanggap ko na na 'yung kulay na 'yun parang may pag-asa. Gumaan talaga 'yung pamumuhay namin. Parang lucky charm,” sabi ni Rodolfo.

Nakapagtapos na rin ang kanilang mga anak, nakapangibang-bansa at nakapagpundar.

Isa ring two-story house na pagmamay-ari ni Dianna Rose Lanzar at asawang si Roy sa Koronadal City, South Cotabato ang nagsusumigaw na kulay berde ang kulay--mula dining area, view deck hanggang sa master's bedroom.

Noong unang beses magkakilala sina Lanzar at kaniyang asawa sa eskuwelahan, napansin nilang pareho na silang mahilig sa kulay green dahil ito ang kulay ng kanilang mga gamit.

Dahil “green flag” para kay Lanzar si Roy, nagkamabutihan ang dalawa. At nang ikinasal, green din ang kanilang motif.

“‘Pag green po 'yung nasa paligid ko, feeling ko at peace ako, nakaka-relax ako. Tapos malamig siya sa mata,” sabi ni Lanzar.

Ayon sa interior designer na si Billie Dumlao dela Cruz, physiological effect sa tao ang kulay green.

“Meron din siyang physiological effect na ang kulay green ay direktang tumatama sa retina ng mga mata natin. So, less stress para sa mga muscles ng mga mata natin,” paliwanag ni dela Cruz.

Ngayong 2025 na Year of Wooden Snake, isa sa mga itinuturing lucky color ay ang emerald green.

BASAHIN: Alamin ang mga gabay sa iyong kapalaran ngayong Year of the Wooden Snake

-- FRJ, GMA Integrated News