Takot ang naramdaman ng isang guro matapos suriin ang CCTV ng kanilang silid-aralan dahil imbes na estudyante, isang tila usok na korte ng nakatayong tao ang kaniyang nakita sa may pintuan sa South Cotabato. Isa nga kaya itong multo?

Sa For You Page ng GMA Public Affairs, mapanonood ang kuha ng animo'y puting usok umano na lumipat pa sa may bintana bago nawala.

"I was surprised doon mismo sa exact na moment na nakita ko 'yung para siyang usok. Tsaka na-bother kasi what happened was, bakit siya gumagalaw. Supposedly dapat nag-iisang angle lang dapat 'yun kasi walang motion eh, kasi wala nang estudyante that time," sabi ng gurong si Jester Hinguillo.

Nangyari ang insidente gabi ng Oktubre 17 kung saan susuriin lang dapat ni Hinguillo ang 24/7 CCTV sa kanilang classroom upang tingnan ang kaganapan sa buong araw ng kaniyang mga estudyante.

May motion detector ang kanilang CCTV kapag may gumagalaw na tao o ibang bagay.

"Akala ko para lang siyang flare ng ilaw na iniisip ko at that time. Pero medyo weird kasi para siyang usok and I was surprised, I was really shocked doon sa scenario na nangyayari, nakikita ko 'yung parang ghost," sabi niya.

Paliwanag naman ng video expert na si JC Lamsen, ang nakunan sa CCTV, posible talagang usok at repleksiyon, na dahilan kaya gumagalaw ang CCTV at sinusundan ang paglipat ng usok sa video.


"May mga hindi tayo maipaliwanag na mga instances na nakukuha, kasi itong CCTV 24/7 'yan, continous recording 'yan. So meron at meron talaga. Nag-playback kami na meron talagang nakuha," sabi ni Lamsen, isang system certified engineer.

"Ang CCTV kasi meron tayong tinatawag na motion detection. Doon sa video, nakikita natin na even walang tao, gumagalaw siya, may sinusundan siya eh," dagdag ni Lamsen.

"Sa nakikita ko roon sa video, ang nagti-trigger kasi ng motions, una, kapag may reflection," anang video expert.

Ngunit paglilinaw ni Hinguillo, nang mga sandaling iyon, wala namang nagsisiga o kung anumang maaaring pagmulan ng usok at repleksiyon sa loob ng classroom.

Imposible rin itong magawa dahil palipat-lipat din sa video ang usok.

"Based doon sa video na nakita ko, may glares kasi na lumalabas doon sa video. These are the environmental factors doon sa set-ups kaya nagkakaroon ng glare. Una, minsan, sa dust, lalo na kapag ang isang location ay prone sa dust na environment like nasa bundok or sa remote areas, kasi isang nagti-trigger 'yan ng shadow. Na minsan inaakala natin shadow na ito ng kung anong entity," sabi ni Lamsen.

Multo man o hindi ang nahagip sa CCTV, nagdesisyon ang guro na magpamisa at humiling sa pari na basbasan ang classroom para magkaroon ng kapanatagan ang mga guro at mag-aaral.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News