Isang lalaking guro sa Cebu City ang inireklamo dahil sa pagkagat umano nito sa dalawang estudyanteng lalaki. Ang isa sa mga biktima, pinaghuhubad raw para makita ang kaniyang abs.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabing nagtuturo ang inirereklamong MAPEH teacher sa Don Vicente Rama Memorial National High School (DVRMNHS).
Samantala, edad 17 at 14 naman ang mga estudyante na kinagat umano ng guro sa likod at braso.
Ang ama ng isa sa mga estudyante na isang pulis, desidido na sampahan ng reklamo ang guro.
Kuwento ng amang pulis, sinabihan umano ng guro ang kaniyang anak na hubarin ang t-shirt para makita ang abs nito.
Nagbanta pa raw ang guro sa estudyante na may hindi magandang mangyayari sa kaniya kapag hindi sumunod. Pero kahit naghubad na raw ang binatilyo, kinagat pa rin rin umano ng guro ang estudyante sa likod na nag-iwan ng marka.
Dinala ng ama ang kaniyang anak sa ospital para ipa- medical examination at nagreport sa Police Station 7 para sampahan ng reklamo ang guro.
Samantala, naging emosyonal naman ang ina ng isa pang estudyante nang malaman niya ang mga pahiwatig na pagsasamantala umano ng guro sa kaniyang anak na kinagat naman sa braso.
Nagpunta ang mga magulang sa chairman ng barangay na nakasasakop sa lugar para magsampa rin ng reklamo laban sa guro.
Ayon kay chairman Dave Tumulak, may basehan ang reklamo laban sa guro dahil na rin sa ipinakitang ebidensiya gaya ng medical certificate, larawan, video at mga testimonya.
Sinabi naman nina Noel Auxtero at Noel Nacorda, head teachers sa DVRMNHS, nagsumite na sila ng ulat sa Cebu City Department of Education (DepEd) Division tungkol sa insidente.
Isasailalim naman sa counseling at debriefing ang mga estudyante at mga kaklase nito na nakakita sa insidente bilang psychological interventions.
Natanggap na ng regional director ng DepEd Central Visayas ang naturang report at iginiit na hindi nila kukunsintihin ang mga naturang gawain ng isang guro.
“I received the reports from the division this morning and I already forwarded to the legal [office] for action. We will not tolerate such acts of a teacher. We will deal with it accordingly,” sabi ni Dr. Salustiano Jimenez, DepEd 7 director.
Samantala, sinubukang kunan ng pahayag ang inirereklamong guro para tumanggi siya, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News