Halos paliparin ng rescue volunteers ang kaniyang rubber boat sa pagmamadali upang sagipin ang umano'y beachgoer na tinangay ng alon patungo sa laot. Pero nang maghanap ang mga rescuer, iba ang kanilang inabutan sa dagat.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita na mabilis na kumilos ang isang grupo ng volunteers nang may mag-report sa kanila tungkol sa namataang nalulunod umano sa Ulrome beach sa Bridlington, England.
Walang sinayang na sandali ang mga rescuer at kaagad nilang tinungo ang laot sakay ng kanilang rubber boat. Nakipag-ugnayan pa sila sa coastguard helicopter para matukoy ang posibleng lokasyon kung saan napadpad ang biktima.
Kasabay ng pagsuyod nila sa karagatan na tinatayang 500 metro na ang layo mula sa dalampasigan, may iba silang nakita--isang pink na floater, pero walang tao.
Kinuha ito ng mga rescuer at isinama sa kanilang pagbalik sa dalampasigan.
Nang mag-imbestiga, lumitaw na wala talagang beachgoer na kasama sa naturang floater. Posible din raw na napagkamalan lang na tao ang naturang floater sa laot.
False alarm man ang natanggap nilang impormasyon, masaya pa rin ang mga volunteer na may taong nagmalasakit para sa iba at walang buhay ang nalagay sa peligro.
Payo nila sa publiko, huwag magdala ng naturang mga palutang sa beach.
"Thankfully, this turned out to be a false alarm. We urge beachgoers not to bring lilos to the beach as they can easily be carried away by the wind. While colorful and fun, they are not suitable for open water," sabi ni Helm Andy Webber, RNLI volunteer.
Kinabiliban din ang mabilis na aksyon ng mga volunteer.--FRJ, GMA Integrated News