Nangilabot ang isang lalaking nagbabakasyon sa Naujan, Oriental Mindoro nang mapansin niya sa kaniyang larawan ang isang imahe sa ilog na tila siyokoy na dati nang usap-usapan ng mga residente sa lugar.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita ang magandang tanawin sa Barangay Bancuro sa Naujan, Oriental Mindoro, dahil sa hanging bridge na inilagay para matawid ang malawak na ilog.
Malinis at malinaw ang tubig sa ilog kaya may mga tao na natutukso na maligo rito. Ngunit may kasama umanong peligro sa paliligo sa ilog dahil taun-taon ay may nagbubuwis umano rito ng buhay kapalit ng masaganang biyaya ng ilog.
Kasama rin sa mga paniniwala ng ilang residente ang tungkol sa siyokoy na namamahay sa ilog na umano'y posibleng nasa likod ng pagkalunod ng ilang biktima at mga kakatwang pangyayari sa mga mangingisda.
Ang naturang paniniwala sa siyokoy, tila lalong pinalakas nang aksidente umano itong makuhanan ng larawan ng bakasyunistang si Aljhey Damian.
Kuwento ni Damian, sa pagdaan pa lang nila ng kaniyang mga kasama sa tulay, may nadinig na sila na tinig na tila tumatawa.
Binalewala raw nila ito at nagkayayaan din na maligo sa ilog pero naging maingat daw si Damian dahil sa pangamba na kunin siya ng siyokoy dahil isa lang siyang dayo o bumibisita lang sa lugar.
Dahil sa ganda ng view sa lugar, naisipan din ni Damian na kumuha ng larawan hanggang sa may mapansin siyang kakaibang imahe sa ilog na nakalubog sa tubig ang kalahati ng katawan.
"Katawang tao po siya, kulay gray, mahaba po ang tainga. Nahahawig po sa mukha ng siyokoy. Ako poĆ½ natakot nang makita ko 'yon. Pinagbawalan na po akong maligo sa ilog," sabi ni Damian.
Ang lola ni Damian na si Mila Hernandez na pitong dekada nakatira sa lugar, naniniwala rin na totoo na may siyokoy sa kanilang ilog.
Noon pa man, pinag-iingat na raw sila sa kung anuman na naninirahan sa ilog.
Pero siyokoy nga kaya ang nakuhanan ng larawan ni Damian? Alamin ang opinyon ng isang eksperto na sumuri sa litrato. Panoorin ang buong kuwento sa video. --FRJ, GMA Integrated News