Sangkatutak na barya ang naipon ng isang lalaki sa laundry basket at compartment ng motorsiklo. Ang halaga, nagamit niya para makabili ng isang second-hand na van. Magkano kaya at gaano katagal niyang naipon ang barya? Alamin.
“Umabot na ako sa puntong pinapala ko na ‘yung barya dahil marami na po talaga,” sabi ni Rolly Priego sa For Your Page ng GMA Public Affairs.
Ayon kay Priego, naipon niya ang mga barya sa loob lang ng tatlong buwan.
Nilinaw ni Priego, na isang computer shop owner, na nagmula ang umaapaw na mga barya sa kaniyang negosyong Pisonet.
“‘Yun po ‘yung mga nalikom ko sa mga kliyente ko na nagpapabuo ng computer, nagpapa-build ng computer shop at kita ko sa mga computer shop ko rin,” sabi ni Priego.
Pangkaraniwan na kay Priego ang pagbabayad ng pagkarami-raming barya.
Tatlo na ang branch ng kaniyang computer shop kaya may barya sa kaniyang buong bahay, mula sa timba at pati na rin sa motor.
“‘Yung ibang client ko kasi mayroon na sariling computer shop. ‘Puwede bang barya na lang ‘yung ibabayad ko sa ‘yo?’ ‘Puwedeng puwede ‘yan, ibigay mo sa akin at ako na lang ‘yung magpapabuo sa bangko o sa palengke,’” sabi ni Priego.
Inabot si Priego ng dalawang araw para nakompleto ang pagbilang sa mga barya, sa tulong na rin ng kaniyang asawa at biyenan.
Ang naipon niyang mga baryo, umabot sa kabuuang P115,000. Dinagdagan ni Priego ang pera para makabili ng second-hand van na gagamitin din niya sa negosyo.
Sa halip na magalit, natawa pa ang mga kahera sa paandar ni Priego na pagbabayad.
Sipag at disiplina ang puhunan ni Priego para makaipon.
“Hindi ako bibili ng mga bagay na parang hindi naman kailangan eh. Gusto ko ‘yung practical. Feeling mo magagamit mo siya para mag-improve ‘yung sarili mo, doon ako mas nag-iinvest. So dapat hindi tayo mag-focus na, ‘ay barya lang ‘yan.’ Kasi kapag pinagsama-sama ‘yung barya nagiging malaki na kasi. Dapat appreciate natin kung ano meron tayo,” sabi ni Priego.--FRJ, GMA Integrated News