Hinangaan ng netizens ang isang babaeng guro matapos siyang umakyat ng flagpole para palitan ang naputol na lubid nito sa Sabtang, Batanes.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, mapapanood sa video ang pag-akyat ni Teacher Carol Baro hanggang sa tuktok ng flag pole na suot pa ang kaniyang school uniform.

Natali naman sa kaniyang baywang ang lubid na ikakabit sa flagpole.

Dahil dito, naging matagumpay ang flag ceremony ng mga estudyante.

Ayon kay Teacher Carol, wala silang male personnel at dati na niyang inaakyat ang flagpole.

“Dati po kasi napatid na ‘yun. Then inakyat ko. So, biniro pa nga ako na mag-second round po ako ng pag-akyat. Wala po kasi kaming male personnel doon,” sabi ni Teacher Carol.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News