Iniutos ni Makati Mayor Abby Binay na alisin na ang mga inilagay na signages na “Gil Tulog Avenue” na bahagi ng advertising campaign, at ibalik ang orihinal nitong pangalan sa Gil Puyat.
Sa inilabas na pahayag ng alkalde nitong Biyernes, humingi rin siya ng paumanhin sa pamilya ng namayapang dating Senate president na si Gil Puyat, na ipinangalan sa naturang kalsada sa Makati.
Ayon kay Binay, kinastigo niya ang opisyal ng Makati na nagpahintulot sa naturang pakulo.
“It is unfortunate that the request for a permit for the so-called advertising campaign to change the street signs of Gil Puyat Avenue did not reach my office. Kung dumaan sa akin 'yan, rejected 'yan agad,” saad ng alkalde.
Idinagdag ni Binay na hindi naging maingat at mapanuri sa naging desisyon ang opisyal na nagpahintulot sa naturang ad campaign.
“Dapat inisip ang kaguluhan na maaaring idulot sa mga motorista at komyuter. At dapat ay binigyang halaga ang respeto sa pamilya at sa alaala ni dating Senate President Gil Puyat. I have already reprimanded these officials for this glaring oversight,” ayon kay Binay.
“Humihingi ako ng paumanhin sa ating mga kababayan at sa pamilya ni dating Senate President Puyat. These signs have been taken down on my instruction,” patuloy niya.
Nitong Huwebes, kumalat sa social media ang mga larawan at video na makikita ang mga signages "Gil Tulog" sa kahabaan ng Gil Puyat Avenue, na dahilan para magtanong ang mga netizen kung totoo ba ang naturang mga post.
Kinondena naman ni Erika Puyat Lontok, apo ng namayapang Senate President — ang naturang ad campaign.
“Besmirching my late great grandfather’s name to sell freaking melatonin is so disrespectful!” saad ni Puyat- Lontok sa isang Facebook post.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang advertising firm na nasa likod ng naturang ad campaign.--mula sa ulat ni Sundy Locus/FRJ, GMA Integrated News