Kung mga kalapati ang nakikitang pinagkakarera noon at nag-uunahan para makauwi sa kani-kanilang bahay, sa Gapan, Nueva Ecija, sinamahan na ito ngayon ng mga tao. At premyo sa mananalong grupo, hindi puwedeng maliitin.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing ang karera na tinawag na "street fight racing dove," nagsisilbing libangan na umano ng mga nag-aalaga ng mga kalapati sa lugar.
Ang sistema ng karera, dalawang grupo na may tig-pitong miyembro ang maglalaban: ang team Kalapatids at team Introbirds.
Ang mga kalsada at mga eskinita ang magsisilbing race track sa karerahan. Ang finish line, mapapagitnaan ng dalawang grupo na nasa magkabilang bahagi at may layo na tig-750 meters ang distansiya mula sa finish line.
Ang pitong runner, nakakalat sa iba't ibang bahagi ng race track. Ang unang runner, may hawak na kahoy at kailangan niya itong ipasa sa susunod na runner, na muling ipapasa sa isa pa, na gaya sa relay games hanggang sa makarating sa ikapito at huling runner na tatakbo sa finish line.
Ang mananalong grupo, maghahati sa P13,200 na premyo.
Pero bago makaarangkada ang unang runner, kailangan niya munang hintayin ang pagdating ng kanilang kakamping kalapati na magsisilbing ika-walo nilang miyembro sa grupo.
Ang dalawang kalapati, pakakawalan sa lugar na magsisilbing starting point ng magkabilang grupo.
Kaya kung sino ang unang kalapati na makakauwi, magkakaroon ng bentahe ang grupo na maunang makaarangkada sa pagtakbo.
Pero legal naman kaya ang ganitong uri ng karera? Panoorin ang buong kuwento at alamin ang aktuwal na laro at kung sinong grupo ang nanalo sa naturang kakaibang paligsahan. -- FRJ, GMA Integrated News