Higit sa biyaya, perwisyo ang turing ng pamahalaan ng Thailand sa biglang pagdami ng isang uri ng tilapia sa kanilang mga ilog. Para mahikayat ang mga tao na hulihin ang mga isda, binibili nila ito sa halagang 15 baht o katumbas ng P24 ang bawat kilo.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video na halos mapuno na ng sangkaterbang blackchin tilapia ang isang ilog sa Bangkok.
May mga residente na nanghuhuli ng mga tilapia para ulamin. Pero kahit araw-araw silang manghuli, hindi pa rin maubos-ubos ang mga tilapia.
Bagaman nakalilibre ng ulam ang mga tao, hindi pa rin maituturing biyaya ang mga tilapia, na ayon sa kanilang Department of Fisheries, isang invasive species o dayuhan na galing sa Africa.
Ang masaklap nito, pinapatay umano ng naturang uri ng tilapia ang 20% ng kanilang mga native na isda sa Thailand.
Dahil dito, nanganganib na mawalan ng kabuhayan ang mga mangingisda sa kanilang bansa dahil kinakain ng invasive tilapia ang itlog ng ibang isda.
Mabilis daw na kumalat ang populasyon ng naturang dayuhang tilapia na nakarating na rin sa iba pa nilang katubigan sa 13 probinsiya.
At para mahimok ang mga tao na hulihin ang mga tilapia, binibili ito ng kanilang gobyerno sa halagang 15 baht o katumbas ng P24 ang bawat kilo.
Bukod dito, nagpakawala na rin ang gobyerno ng Thailand ng mga predator fish gaya ng Barramundi para kumain sa mga dayuhang tilapia.
Maliban sa Thailand, may iba pa umanong lugar sa Asya na nagkaroon ng biglang pagdami ng blackchin talapia sa mga katubigan, kabilang sa Taiwan.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang dahilan ng biglang pagdami nito.--FRJ, GMA Integrated News