Timbog ang isang lalaki sa Shenzhen, China, matapos niyang itago sa kaniyang pantalon ang mahigit 100 buhay na ahas na balak umanong ipuslit papunta sa Hong Kong.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabi ng China Customs na natuklasan nila ang mga ahas nang kapkapan ang suspek nang sabihin niya sa mga opisyal na wala siyang idedeklarang bitbit na gamit.
“Upon inspection, customs officers discovered that the pockets of the trousers the passenger was wearing were packed with six canvas drawstring bags and sealed with tape,” saad ng China Customs sa isang pahayag.
Iba't ibang species ng ahas ang laman ng mga supot na ginamit na lalagyan ng lalaki. Kabilang dito ang milk snake at corn snake na hindi native sa kanilang bansa.
Non-venomous o wala namang kamandag ang mga ito.
Nakita rin na halos wala nang espasyo ang mga ahas sa lalagyan na lalo pang isiniksik sa masikip na bulsa ng pantalon.
Sinabi ng mga awtoridad na sisiguraduhin nilang mananagot sa batas ang lalaki.
Ayon sa China Custom, kabilang ang kanilang bansa sa pinakamalaking animal trafficking hubs sa mundo.
Noong mga nagdaang taon, nahuli ang ilang animal smugglers mula sa pinaigting na operasyon kontra illegal traders. Kasama na rito ang isang babaeng nadakip noong Agosto 2023 matapos magtago ng mga ahas sa kaniyang bra.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News