Kailangan ngayong kumuha ng tunay na abogado ang isang lalaki na nagpapanggap umanong abogado matapos siyang arestuhin ng mga awtoridad dahil sa reklamo ng dati niyang "kliyente."
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa video ang pag-aresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa suspek nang lumabas na siya "sala" o courtroom.
Ayon sa NBI, matagal na umanong nagpapanggap na abogado ang suspek na iba umano ang nakalagay na pangalan sa kaniyang mga government ID at sa pangalan na ginagamit bilang abogado.
Isang dating kliyente ng suspek ang nagsumbong sa NBI.
"Nag-issue si Supreme Court ng certification na yung ginagamit niyang roll number nakapangalan sa ibang tao. Yung ginagamit niya 1954 bar passer pa yun, napakatagal na nun at patay na yung abogado na yun," ayon kay Atty. Jerome Bomediano, hepe ng NBI-OTCD.
"Kapag hiningian mo siya ng any ID at certification na talagang lawyer siya wala siyang maipakita," dagdag niya.
Paliwanag naman ng suspek, nagkaroon umano ng "human error" sa tala nang magsagawa ng computerization sa korte.
Hinihinala ng NBI na marami nang kaso na hinawakan ang suspek na kanilang aalamin.
Maaari din umanong magkaroon ng implikasyon sa resulta ng mga kasong hinawakan ng suspek kapag nalaman ng hukom na pekeng abogado ang humarap sa kanila.-- FRJ, GMA Integrated News