Dahil sa pagsisikap at determinasyon na abutin ang pangarap, nakapagtapos ng abogasya at valedictorian pa ang isang 26-anyos na lalaki na dating kargador at nagtitinda ng sorbetes.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing mula sa 12 magkakapatid si Jorenz Obiedo, na construction worker ang ama, at housewife ang ina.
"'Yung tatay ko po isinama po ako na magbenta po nung dirty ice cream po. So 'yun po 'yung una kong trabaho. Mas mabigat pa po 'yung dinadala ko na styro box kesa po sa bigat ko po," kuwento ni Jorenz.
"Nag-dishwasher po ako ng lugawan tapos nagkargador din po ng softdrinks. Naging boy din po ako or helper ng hardware store, suma-sideline po ako sa papa ko nung college 'yung nagko-construction," patuloy niya.
Natatandaan pa ni Jorenz ang panahon na may araw na wala na silang panggastos kaya wala na rin siyang pambaon. Kahit pag-uwi, wala siyang makain.
Bagaman tumigil na sa pag-aaral ang kaniyang mga kapatid, pinili ni Jorenz na magpatuloy.
"Ayokong maging part 'yung buhay ko ng cycle ng poverty. Ayoko rin po maranasan po nung magiging anak ko 'yung naranasan ko po," saad niya.
Habang nag-aaral, patuloy na nagtrabaho si Jorenz hanggang sa makaabot siya sa kolehiyo. Nang pumasok siya sa law school, nagtrabaho siyang stenographer.
Nagtapos ng abogasya si Jorenz mula sa University of Caloocan City College of Law na valedictorian sa kanilang grupo.
Plano niyang magtrabaho sa public attorney's office kapag nakapasa sa Bar, o ganap na maging abogado.
"Gusto ko rin po makatulong sa ibang tao. Mga kagaya ko po na wala pong means na maka-access sa justice," sabi ni Jorenz. —FRJ, GMA Integrated News