Sa halip na makina, itlog ang ginagamit ng isang albularyo na parang pang-"X-ray" o pang"-scan" sa kaniyang mga pasyente para malaman umano ang mga sakit nito sa Banga, South Cotabato. Ang ilan sa kaniyang pasyente, gumaling umano. Ngunit may ipinaliwanag ang isang psychologist tungkol sa tinatawag na "placebo effect." Alamin kung ano ito.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita ang nasa 500 balat ng binasag na hilaw na ito na nakalagay sa container. Ang mga itlog, naipon matapos gamitin ng faith healer na si Rodelio "Dok Lotlot" Albarico, sa kaniyang panggagamot.

Matapos i-"scan" ang itlog sa katawan ng pasyente, tinitingnan ni Dok Lotlot ang pula ng itlog at nalalaman na raw niya kung may breast cancer, goiter, myoma o almoranas ang kaniyang pasyente.

Dinadayo na ng kaniyang mga pasyente ang compound ni Dok Lotlot ng 3 a.m. pa lang, at may mga dala silang sarili nilang itlog na requirement ng faith healer.

Isa sa mga pasyente ni Dok Lotlot si Julie, na hindi na makalakad matapos ma-stroke, at naka-wheel chair na lamang.

Itinapat ni Dok Lotlot ang dalang itlog ni Julie sa iba't ibang bahagi ng kaniyang katawan na tila ine-X-ray o body scan.

Pagkabasag sa itlog, nakita ni Dok Lotlot na maysakit umano sa kidney si Lotlot.

Ayon kay Dok Lotlot, inililibing nila ang mga biniyak na itlog ng mga pasyente. Delikado raw kasi ito at posibleng mamatay ang mga hayop kapag nakain dahil nandoon ang sakit ng pasyente.

Agad "inoperahan" ni Dok Lotlot si Julie, na imbes na hiwaan, pinisil-pisil niya ang leeg, kamay, binti at bibig nito. Tila tinahi ito ni Dok Lotlot kahit na wala siyang hawak na sinulid o karayom.

Matapos nito, pinainom na ni Dok Lotlot si Julie ng langis o lana na nasa bote.

"Sobrang tagal na niyan, 200 taon na. Wala kaming hinahalo riyan, wala talagang dinadagdag diyan," sabi ni Dok Lotlot sa langis na nasa bote.

Pagkaraan ng healing session, mas umaliwalas na raw ang awra ni Julie.

Halos 300 tao ang dumarayo sa compound ni Dok Lotlot tuwing Lunes, Huwebes at Sabado.

Ang compound ay pagmamay-ari ng dating pasyente ring si Riza Palma, na may myoma o bukol sa matres, at napagaling ni Dok Lotlot.

Wala namang bayad at nasa pasyente na kung magbibigay ng donasyon kay Rodelio.

Ilan pa sa mga pasyente ni Rodelio si Annalyn Jacobo, na dating may dalawang bukol sa dibdib ngunit nawala raw matapos ang session kay Dok Lotlot. Buwan-buwan na siya ngayong bumabalik para matiyak na hindi na bumalik ang kaniyang bukol.

Si Joefel Artillo naman na dating hindi nakapagsasalita, himala raw na muling nakapagsalita sa unang session nila kay Rodelio.

Sa kabila nito, hindi isang lisensyadong doktor si Dok Lotlot, kundi namana niya lang ang panggagamot sa kaniyang lolo noong walo o siyam na taong gulang pa lamang siya.

Ayon kay Rodelio, ibinigay ng "diwata" ang abilidad niyang manggamot.

"Ang pagtawag ko ng diwata sa amin ay iisa rin sa pagtawag sa Diyos sa salitang Bisaya," sabi ni Rodelio.

Gayunman, ilan ang hindi bilib sa panggagamot ni Rodelio, tulad ng pasyente niya noon na si Emmie Calixtro, na hindi makatayo at walang lakas ang mga paa.
Matapos kasi siyang magpakonsulta sa albularyo, hindi pa rin siya nakalakad.

"May mga sakit din kasi talaga na hindi gumagaling," depensa naman ni Rodelio.

"Ang akin lang, kung sinong magpagamot sa akin, gagamutin ko. Mas maganda pa na makatulong ka sa tao, kaysa sa sarili mo lang ang iniisip mo," sabi pa ni Dok Lotlot.

Ayon sa isang psychologist, may tinatawag na "placebo effect" kung saan gumagaling ang isang tao dahil sa tiwala niya sa treatment. Alamin ang paliwanag ng eksperto tungkol sa paraan ng panggamot gamit ang itlog at kung ligtas ba ang ipinaiinom ng albularyo sa kaniyang pasyente. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News