Hindi puwedeng maliitin ang mga mangga na itinatanim sa isang farm sa Guimba, Nueva Ecija dahil umaabot ang laki nito sa 10 pulgada at nasa isa hanggang tatlong kilo ang bigat ng isang piraso.
Sa programang Unang Hirit, may matatagpuan na mga dambuhalang mangga sa farm ni Rogelio Espejo Jr. sa Barangay Catimon.
Ipinangalan na rin ni Espejo sa kanilang barangay ang uri ng kaniyang mangga na mayroong regular size, giant at ang jumbo na aabot sa tatlong kilo ang bigat ng isang piraso.
Maituturing high value crops na ang Catimon mango dahil P400 umano ang presyo nito bawat kilo.
Ayon pa kay Espejo, kumpara sa native o karaniwang mangga na umaabot sa limang taon bago mamunga, ang Catimon mango, dalawang taon lang umano ay maaari nang mag-ani ng mga bunga.
Pero kailangan din umano ang tamang patubig, at paglalagay ng abono ang susi sa magandang ani ng naturang mga dambuhalang mangga.
Ang lasa nito, hindi kaasiman, at matamis at malambot din umano.
Panoorin sa video anong luto puwedeng gamitin ang mangga.--FRJ, GMA Integrated News