Nahuli-cam ang isang kotse na tumigil sa gilid ng highway sa Jinhua, China. Maya-maya lang, dahan-dahan na lumabas ang driver nito at bumagsak sa kalsada.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood sa isang video ang pagdating ng highway patrol officers. Inabutan nilang nakahandusay ang lalaki na sinusubukan nilang kausapin.
"When we arrived at the scene, the man was slurring his words and experiencing convulsions, making it difficult to determine the cause," ayon kay Ren Bo ng Jinhua Highway Patrol.
Tumawag ang mga officer ng medical rescuers kaya nadala agad sa ospital ang lalaki.
Lumabas sa pagsusuri na nagkaroon ng sudden cerebral hemorrhage o biglang pagdurugo ng utak ang lalaki habang nagmamaneho.
Isa itong uri ng stroke na tinatawag ding brain hemorrhage, na nagresulta sa pagmamanhid ng kaliwang bahagi ng katawan ng lalaki.
Para makaiwas sa aksidente, ginamit ng driver ang kanang bahagi ng kaniyang katawan para makapagmaneho at maitabi ang sasakyan.
Ngunit tuluyan nang bumigay ang kaniyang katawan nang lumabas siya sa kotse para humingi ng tulong.
Mabuti na lamang at nadala siya agad sa ospital, at nabigyan ng gamot. Patuloy na nagpapagaling ang lalaki.
Marami ang humanga sa driver dahil sa pagsisikap niyang hindi maaksidente at posibleng makapandamay pa ng iba.
Malaki rin ang pasasalamat ng driver sa highway patrol officers na maagap na umaksyon sa insidente. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News