Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, sinabing hindi agad nahila ng mga mangingisda ang kanilang nalambat dahil sa sobrang bigat nito habang nasa dagat.
Dahil dito, nagdesisyon silang hatakin ang kanilang huli papunta sa pampang.
Nagulat sila sa kanilang nakita nang makita ang hitsura ng isda na malaki at mahaba--isang oarfish na isa't kalahating metro ang haba at mahigit 15 kilo ang bigat.
Sa kasamaang palad, patay na ang oarfish nang makuha nila mula sa lambat.
Nakitaan din ito ng mga sugat sa katawan, na hinala ng mga mangingisda na posibleng ang dahilan ng pagkamatay nito.
Palaisipan naman sa kanila kung paano ito napunta sa ibabaw ng karagatan dahil isa itong deep sea creature.
Ang oarfish ay kilala bilang world's longest bony fish, na posibleng humaba ng hanggang 17 metro at maaaring bumigat ng hanggang 270 kilo.
Kaiba sa ibang isda, walang kaliskis ang mga oarfish.
Ayon sa mga eksperto, hindi naman mapanganib ang mga oarfish.
Kabilang sa mga dahil kaya napupunta ang mga oarfish sa water surface ay dahil sa mga bagyo o malakas na alon.
Maaari rin itong mangyari kung sila ay nakararanas ng distress o malapit nang mamatay.
May mga paniniwala naman ang mga matatanda na may hatid na mensahe ng delubyo ang mga oarfish kaya lumabas mula sa kailaliman ng dagat. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News