Nagdulot ng takot at naging palaisipan sa mga residente sa isang barangay sa Toril, Davao City ang nahuli-cam nilang tila anino na nasa bubungan ng isang paaralan sa dis-oras ng gabi. Ang tanong nila, tao kaya ang kanilang nakita o kakaibang nilalang, gaya ng aswang?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Ella Molde, na nakaistambay sila ng kaniyang mga kaibigan sa labas ng bahay nang mapansin niya ang tila anino na nasa bubungan ng eskuwelahan.
Inisip niya noong una na baka nagpapahangin lang sa bubungan kung tao man ang kaniyang nakita. Pero nagkaroon sila ng pagdududa dahil tila mas malaki ito sa karaniwang tao, at kakaiba rin ang tindig at hindi nahihirapan manatili sa bubungan.
Nang tutukan nila ng flashlight ang tila anino, bigla itong naglaho. Pero pagkaraan ng isang oras, muli itong nagpakita.
Mabilis na kumalat sa social media ang video at nagkaroon ng kaniya-kaniyang hinala ang netizens sa kung ano o sino ang nasa bubungan. May mga naghinala na magnanakaw ang nasa bubungan kaya nagdulot din ng pangamba sa ibang residente na baka pasukin ang kanilang bahay.
Kaagad namang rumesponde ang barangay at pinuntahan ang paaralan kung saan nakita ang anino.
Pinaligiran nila ang eskuwelahan at inakyat din ang bubungan.
Wala umanong nakita ang mga tao na tumalon at lumabas mula sa eskuwelahan kaya kampante ang mga tanod na nasa loob pa ng paaralan kung sino man o ano man ang nasa bubungan.
Mahuli kaya nila kung sino ang tila anino na nasa bubungan? Tunghayan sa video ang buong kuwento ng "KMJS." Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News