Biglang sinakmal sa ulo ng isang dambuhalang isda ang isang diver na nagpapakain sa mga isda sa loob ng isang malaking aquarium sa China. Pero bago ang pananakmal, napag-alaman na may pinag-agawan muna na bag ang diver at ang isda na isang sturgeon.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang diver na isa ring aquarium attendant na may hawak na bag na naglalaman ng mga pagkain para sa mga isda sa higanteng aquarium sa Shaanxi, China.
Kabilang sa atrasyon sa naturang lugar ang feeding time sa mga isda.
Pero ang hawak na bag ng diver na pinaglalagyan ng feeds o pagkain, biglang kinagat at pilit na inaagaw ng dambuhalang sturgeon.
Ngunit hindi nagpasindak ang diver sa laki ng sturgeon. At makaraang ilang beses nilang hatakan sa bag, ang diver ang nanaig.
Sandaling iniangat ng diver ang kaniyang ulo sa tubig pero nang muli siyang lumubog, tila gumanti ang sturgeon at bigla siyang kinagat sa ulo, at saka tumalikod.
Ayon naman diver, wala naman naging pinsala sa kaniyang ulo o naramdamang sakit dahil wala palang mga ngipin ang sturgeon.
Ang mga pagkanin nito, buo raw na nilululon ng sturgeon.-- FRJ, GMA Integrated News