Isinailalim sa operasyon ang isang babae sa Peru matapos siyang makalunok ng pako habang kumakain ng chicharon. Ang babae, nagsuka ng dugo dahil tumusok pala ang pako sa isang maselang ugat sa lalamunan.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nagtungo sa EsSalud Hospital ang babae na si Celia Tello, nang magsuka na siya ng dugo.
"I felt ill and I came here because I thought I had a bone in my throat," sabi ni Tello.
Pero nang magsagawa ng pagsusuri kay Tello ang mga doktor at isalang siya sa scan, nadiskubre na isang pako ang nakatusok sa carotid artery niya sa lalamunan na nagsu-supply ng oxygen at dugo sa utak.
Ayon sa surgeon na si Dr. Diego Cuipal, isinailalim si Tello sa cardiac and peripheral vascular service.
Delikado umano ang kondisyon ni Tello na maaaring magdulot ng komplikasyon gaya ng clot o pagbara ng dugo na maaring makaapekto sa kaniyang utak.
Hindi naman malinaw na ipinaliwanag report kung paano napunta ang pako sa chicharon na nakain ni Tello.
Naging matagumpay naman ang operasyon na isinagawa kay Tello.
"We were able to isolate the affected artery and we repaired it by sectioning it, and we joined a healthy artery with another healthy artery," ayon kay Cuipal.
Kahit ligtas na, patuloy pa rin na minomonitor ang kalagayan ni Tello.--FRJ, GMA Integrated News