Laking gulat ng may-ari nang makita niyang ibinebenta na online ang bisikleta niya na ninakaw sa San Vicente, Ilocos Sur. Para mabawi ang bisikleta at mahuli ang suspek, agad niya itong binili.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV, ikinuwento ng anak ng may-ari ng bisikleta na iniwan ng kaniyang ama ang bisikleta sa gilid ng kalsada sa lugar na may CCTV camer.
"Kasi kampante yung papa ko na may CCTV doon at walang kukuha, kaya iniwan ng papa ko dun ng walang lock," ayon sa anak.
Hanggang sa makita nila ang bisikleta na ibinebenta online sa halagang P8,000. Kaagad silang nakipag-ugnayan sa pulisya at inilatag ang entrapment operation.
Nagkunwari ang may-ari na bibilhin nila ang bisikleta at pumayag ang 21-anyos na suspek na makipagkita.
"Pumunta ako sa meeting place nung mismong usapan ng tita ko at seller [at] kinonfirm ko kung yun yung bike ng papa ko," ayon sa anak.
Kaagad na dinakip ang suspek nang tanggapin niya ang bayad. Idinahilan niya na ibinenta rin lang sa kaniya ang bisikleta.
Pero lumitaw sa CCTV footage na siya mismo ang tumangay sa bisikleta.
"May mga proof na siya ang kumuha, mas malaki ang kasalanan niya kung sinabi niyang binili niya dahil ninakaw niya 'yon," ayon kay Police Captain Pedro Halover, Officer-in-Charge ng San Vicente Police Station.
Mahaharap ang suspek sa reklamong theft. —FRJ, GMA Integrated News