Dahil sa pagtahol ng alagang aso, nagising ang natutulog niyang mga amo at nailigtas sa sunog na nagaganap sa isang apartment sa China. Pati ang iba nilang kapitbahay, naalerto.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing 4:00 am noong Marso 12, 2024 nang marinig ang malakas na tahol ng asong si Tank sa isang apartment sa Jiangsu, China.

Mapapanood sa isang video na hindi mapakali si Tank at hindi umaalis sa tabi ng main door.

Dahil sa tahol, nagising ang amo ni Tank at napatakbo sa pintuan. Pero pagbukas niya rito, bumungad na ang maitim at makapal na usok dahil nasusunog na pala ang kanilang gusali.

Kaagad na silang nagbihis at tumawag ng bumbero. Sumigaw din sila upang maalerto ang iba pang mga nakatira sa gusali.

Mabilis namang dumating ang mga bumbero at kaagad naapula ang sunog kaya hindi na kumalat pa ang apoy.

Kaya naman naging maliit lang ang pinsala ng sunog, at walang nasaktan.

Malaki ang pasasalamat ng mga amo ni Tank, at kanilang mga kapitbahay sa ginawa ng aso, na isang mixed breed ng American Bully at Pitbull.

Lumabas naman sa imbestigasyon ng mga bumbero na isang motorized vehicle ang pinagmulan ng sunog.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News