Laking gulat ng isang pamilya sa Caoayan, Ilocos Sur, nang makita nila na kakaiba ang isa sa mga biik na isinilang ng kanilang inahing baboy. Isa lang ang mata nito, na itinuturing nilang suwerte.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, ang naturang biik ay alaga nina Norma Carasi, ng Barangay Anonang Menor.
Marso 16 nang manganak ang kanilang inahing baboy at bukod tanging naiiba ang biik na isa lang ang mata at walang ilong.
BASAHIN: Kambing na kakaiba ang hitsura, isinilang sa Banna, Ilocos Norte
Kaagad daw nilang inihiway ang biik para matutukan nila ang pag-aalaga upang mapadede.
Itinuturing din ng pamilya na suwerte ang kakaibang biik dahil nanganak din ang apat pa nilang inahain.
Ayon naman sa provincial veterinarian na si Dr. Donna Cabanilla-Rosario, cyclopia o cyclocephaly ang tawag sa kondisyon ng biik, na nangyayari kapag hindi maayos na nabuo ang mga biik sa unang buwan pa lang ng pagbubuntis ng inahin.
Maari naman daw humaba ang buhay ng naturang biik kung maaalagaan nang mabuti at mabibigyan ng sapat na bitamina.-- FRJ, GMA Integrated News