Malaking palaisipan sa isang rider ang nakakakilabot niyang karanasan nang biglang naglaho ang inakala niyang tao na kaniyang nabubundol habang nagmomotorsiklo sa dis-oras ng gabi sa Cagayan De Oro City. Kitang-kita sa kaniyang camera ang imahe ng tila tao na tumatawid at ang bigla itong naglaho na parang bula.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, ipinakita ang video footage na kuha sa camera ng rider na si Karl Dagus, na may tila tao na biglang sumulpot sa gitna ng kalsada at tumawid sa national highway sa Barangay Gusa.
WATCH: Nakiangkas na 'misteryosong' matandang babae, biglang nawala sa likod ng rider?
Ayon kay Dagus, dakong 3:00 am nang mangyari ang insidente, at inaasahan nila ng kaniyang angkas mababangga nila ang taong tumawid.
Pero nang makatapat na nila ang inakala niyang tao na tumawid, bigla itong naglaho na parang bula pero nakaramdam umano siya na tila hangin na tumama sa kaniya.
WATCH: Umano'y white lady, na-videohang nakaangkas sa motorsiklo?
Nang makauwi, sinilip niya ang kuha sa camera ang nagulat siya sa hitsura ng inakala niyang tao na kaniyang mababangga dahil hindi niya mawari ang mukha nito kahit pa tinamaan ng ilaw.
Ayon kay Rev. Father Jun Balsamo, Chief Exorcist ng Archdiocese ng Cagayan de Oro, hindi imposible ang nangyari pero ang naturang mga espiritu ay mga "fallen angel" o demonyo na nais maghasik ng takot at magdulot ng disgrasya.
Payo ni Fr. Balsamo kapag nakaranas nang katulad na insidente, ituon ang isip sa Diyos at magdasal para hindi maaksidente at maglalaho ang espiritu. -- FRJ, GMA Integrated News