VATICAN CITY - Idineklara ng Simbahang Katoliko na hindi totoo ang lumabas na mga ulat mula sa isang nagpakilalang "visionary" na nagkaroon umano ng himala nang lumuha ng dugo ang rebulto ng Birheng Maria sa central Italy, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.

"After fervent prayer, the non-supernatural nature of the facts in question is decreed," ayon sa diocese ng Civita Castellana, matapos ang imbestigasyon sa "sightings" sa Trevignano Romano, na nasa northwest ng Rome.

Mula noong 2016, sinasabi ng 54-anyos na Sicilian na si Gisella Cardia, na nakakausap umano niya ang Birheng Maria, at nakatanggap na siya ng stigmata, o pagkakaroon ng sugat na katulad na sugat ni Hesus nang ipako Siya sa krus.

Mula noon dagsa ang mga tao na natutungo sa lugar kung nasaan ang rebulto ng Madonna na nakuha umano niya nang bumisita sa Medjugorje sa Bosnia Herzegovina.

Ayon kay Cardia, nakita niyang lumuha ng dugo ang rebulto at pinalaki ang pizza-- na tila himala na katulad ng ginawa ni Hesus sa pagpaparami ng tinapay at isda na nakasaad sa Bibliya.

"It was a pizza for four and 25 of us ate from it. It never got any smaller," sabi niya sa isang Italian YouTube channel.

Taong 2013 nang mahatulan si Cardia ng fraudulent bankruptcy, nang magtatag siya ng charity para tumulong umano sa mga maysakit. Nagkaroon ng mga donasyon pero nagreklamo ang ilang nagbibigay na naloko umano sila.

Nagsagawa ang diocese ng imbestigasyon sa mga sinasabing himala noong April 2023.

Nitong Miyerkules, sinabi ng diocese na inilabas nila ang desisyon "after a suitable period of careful discernment," at makaraang makuha ang testimonya ng local witnesses at mga eksperto, pati na ang isang theologian, isang psychologist at isang eksperto tungkol kay Virgin Mary.

Iminungkahi ni Bishop Marco Salvi na sumailalim sa "journey of purification" si Cardia para sa kapakanan ng "ecclesiastical unity."

Marami nang nagsasabi na nakita nilang lumuha ng dugo ang imahen ng Birhen Maria, pero isa pa lang kinumpirma ng Simbahan na nangyari noong 1953 sa Syracuse, Sicily.

Pinapayagan ng Simbahan ang mga diocese na magsagawa ng imbestigasyon sa mga katulad na insidente pero hindi sa lahat ng pagkakataon.  —mula sa ulat ng  Agence France-Presse/FRJ, GMA Integrated News