Nagkalat sa isang highway sa China ang mga perang papel matapos maaksidente ang isang kotse. Kahit malubhang nasugatan ang sakay ng kotse, ikinatuwa ng mga awtoridad ang ginawa ng mga taong nakasaksi sa pangyayari. Alamin kung ano ito.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang kuha sa dashcam ng isang sasakyan sa nangyaring aksidente sa isang highway sa Handan City sa Hebei, China.
Maayos na binabaybay ng isang kotse ang highway nang bigla niyang mabangga ang isang cleaning vehicle na dahilan para magpagulong-gulang ang kotse at makarating sa kabilang bahagi ng highway.
Sa lakas ng pagkakabangga, nabasag ang mga salamin ng kotse at sumambulat ang mga perang papel sa highway.
Ang mga motorista at mga sakay ng bus na nakasaksi sa pangyayari, nagkaniya-kaniyang pulot sa pera. Pero sa halip na ibulsa o itakas ang pera, pinagsama-sama nila ito hanggang dumating ang mga awtoridad.
Ayon naman sa awtoridad, itinabi muna nila ang pera at ibabalik na lang sa sakay ng naaksidenteng kotse kapag nagkamalay na.
Dahil sa pinsalang tinamo sa nangyaring sakuna, patuloy pa siyang nagpapagaling sa ospital.
Natutuwa ang mga awtoridad sa ginawa ng mga tao dahil hindi lang umano ang pera ang ibinalik ng mga ito, kundi maging ang tiwala sa angking kabutihan ng tao. -- FRJ, GMA Integrated News