Kalaboso ang isang lalaki na may dadalawin lang sanang nakadetine sa Minglanilla Municipal Jail sa Cebu nang mabisto ng mga bantay na may palaman na shabu at foil ang mga bitbit niyang mga saging.
Sa GMA Regional TV Live nitong Martes, kinilala ang naarestong suspek na si John Paul Celedoña, 28-anyos, na residente rin sa nasabing munisipalidad.
Ayon sa awtoridad, nagtungo sa piitan si Celedoña nitong Lunes na may dalang mga saging para ibigay sa dadalawin niyang lalaki na nakadetine.
Pero nang suriin ni Jail Officer 1 Melvin Sanico ang mga saging, nakita sa loob nito ang pakete ng plastik na hinihinalang shabu ang laman at aluminum foil na ginagamit na drug paraphernalia.
Dahil dito, hindi na pinayagang makalabas pa ng jail facility si Celedoña na mahaharap sa kaukulang kaso.-- FRJ, GMA Integrated News