Agaw-pansin ngayon sa iba't ibang parke sa Baguio City ang mga "Baraki" o "Smart Garbage Bin," na kusang magbubukas kapag may tumapat na tao para magtapon ng basura.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, sinabing ang "Baraki" ay pinagsamang salita na basurahan at taraki (na ang ibig sabihin ay makisig sa salitang Ilocano).

Ang 'Smart Garbage Bin' ay imbensyon ng mga computer engineering student na sina Aeryk John Mosquete, Kyle Russell Lucero at Samuel Sta. Cruz, mula sa University of Cordillera sa Baguio City.

Naisipan ng tatlo na gawin ang hi-tech na basurahan dahil kilalang pasyalan ng mga turista ang lungsod.

Ayon kay Sta. Curz, mas maraming turista, mas maraming basura.

"Ginawa namin ang project na ito to counter that and make Baguio city a more environment [friendly] and clean place," paliwanag niya.

Mayroong automatic monitoring at indicator system ang basurahan para malaman kung puno na ito. Dahil mayroon din itong activated sensor, kusang magbubukas ang basurahan kapag may taong pumuwesto sa harapan nito.

Weather at water proof din umano ang mga kagamitan sa loob ng basurahan. Solar power din ang basurahan, pero puwede ring de-kuryente.

Nanalo ang "Baraki"sa Regional Invention Contest and Exhibits sa North Luzon ngayon taon, at sasabak naman sa national competition sa Marso 2024.

Nangangalap ng pondo ang grupo para lalo pa nilang mapahusay at magawang kapaki-pakinabang ang kanilang imbensyon --FRJ, GMA Integrated News