Sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Jasper sa Northern Australia, isang buwaya na siyam na talampakan ang haba ang namataan ng mga residente na nagtatampisaw sa rumaragasang tubig-baha.

Sa video ng GMA Integrated News, kaagad na umaksyon ang mga awtoridad para hulihin ang buwaya na lumalangyon sa daluyan ng baha.

Nang masilo nila ang buwaya sa tubig para hilahin papunta sa lupa, nagpumiglas pa ang buwaya. Pero wala na siyang nagawa nang tuluyan siyang madala sa lupa at pagtulungan na daganan ng mga rescuer at residente para matalian.

Ayon sa mga rescuer, dinala ang buwaya sa isang holding facility habang hihintayin munang humupa ang baha bago siya muling pakawalan sa natural niyang tirahan.

Higit naman sa takot, inabangan ng mga residente na hulihin ang buwaya para makita nila ito nang malapitan.

Napag-alam na may ilog o creek na malapit sa lugar kung saan nahuli ang buwaya.

Itinuturing record breaking ang ginawang pananalasa ng bagyong Jasper sa north region ng Queensland.

Batay kasi sa datos ng mga awtoridad, katumbas ng isang buwang pag-ulan ng ibinuhos na tubig ni Jasper sa loob lang ng ilang oras. -- FRJ, GMA Integrated News