Napasigaw ang mga residente sa isang barangay sa Bataraza, Palawan nang atakihin ng isang buwaya na nasa ilalim ng mga kabahayan ang isang alagang pusa.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita na iniilawan ng mga residente ang buwaya na nasa ilalim ng mga kabahayan at tulay na nakatayo sa ibabaw ng tubig nang bigla silang magsigawan dahil sa may nasagpang na pala ito na pusa.
"Ayan o may kain na pusa," madidinig sa video.
"Ayan ang buntot niya o," sabi ng isa pa.
Ilang linggo na umanong pagala-gala roon ang buwaya na inilarawan na malaki.
Pero bago pa man mabiktima ang pusa, ilang alagang hayop na rin daw sa lugar ang inatake ng buwaya.
Dahil sa insidente, patuloy na nangangamba ang mga residente sa kanilang kaligtasan na baka sa susunod ay tao na ang mapagbalingan ng buwaya.
Hindi na nga nangingisda ang mga tao roon sa gabi dahil sa takot sa mga buwaya.
Nito lang nakaraang Nobyembre, isang malaking buwaya rin ang nakita sa ilalim ng silong ng mga bahay. May malaking buwaya rin na namataas sa ilalim ng tulay noong nakaraang taon na tinatayang hindi bababa sa 17 talampakan ang lalaki.
Ayon sa Palawan Council for Sustainable Development, malaki ang populasyon ng buwaya sa mga bayan ng Bataraza, Rizal, Quezon at Balabac sa Palawan.
Posibleng katatapos lang daw ng breeding season kaya madalas na mapadpad sa kabahayan ang mga ito.
Isa rin sa posibleng dahilan ang mga pagkain na itinatapon ng mga tao sa dagat na nakatatawag ng pansin sa mga buwaya.
Kaya naman pinapayuhan ang mga tao na itigil ang pagtatapon ng mga pagkain sa tubig.-- FRJ, GMA Integrated News
