Naging palaisipan sa mga nakakita sa isang dambuhang uod na nakuhanan ng video habang nakadikit sa isang puno sa Aborlan, Palawan.
Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabi ni Alvin Co na nakita niya ang uod sa kanilang bakuran.
Unang pagkakataon lang daw ni Alvin na makakita ng ganoong kalaki na uod na halos isang dangkal ang haba,
“Hindi ko na rin siya gaanong nilapitan. Dito sa amin kasi, marami yung parang 'pag nabugahan ka, mamamaga yung katawan mo,” paliwanag ni Alvin.
Ayon kay Kuya Kim, ang dambuhalang uod na nakita ni Alvin ay isang uri ng Attacus caterpillar o larva.
Dagdag niya, ang mga caterpillar ay larvae o active immature form ng mga moth at paruparo.
Mula sa pagiging itlog, nagiging caterpillar ito bago maging adult na kulisap tulad ng mariposa.
Ipinaliwanag ng biologist na si Jaira Balisi, na ang caterpillar ay magiging pupa bago mag-transform na moth o butterfly.
Sinabi rin ni Balisi na hindi pangkaraniwan ang laki ng uod na nakita ni Alvin pero posible naman daw itong mangyari dahil nasa estado sila ng pagiging "eating machines" bilang paghahanda sa kanilang pagbabago.
“Talaga kakain nang kakain ang ating mga caterpillar kasi nag-i-store nga sila ng energy para sa kanilang adulthood in the future,” paliwanag ni Balisi.—FRJ, GMA Integrated News