Labis ang pagkamangha ng isang pahinante ng truck nang may ma-videohan siya na isang lugar na may nagtataasang gusali at nagniningning na mga kulay gintong ilaw nang minsang bumiyahe siya sa karagatan ng Samar. Ito na nga kaya ang mala-alamat na "Lost City of Biringan?"
Sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing nagpadala si Michael, taga-Muntinlupa City, ng mensahe sa programa kalakip ang ilang larawan at video sa isang lugar na nakunan niya ng video na pinaniniwalaan niyang "Biringan City," na ayon sa mga kuwento ay mga kakaibang elemento ang mga nakatira.
“Ang nakita ko po roon sa video, maraming mga building na naglalakihan tapos maraming kumikislap na mga ilaw,” sabi ni Michael.
“Kitang kita ko po ‘yung mga ilaw nu’n kasi naka-back cam po ‘yung camera niya, tinutok niya po talaga roon. Medyo may kalayuan pa po pero sa lugar po na ‘yun sobrang dilim po talaga,” dagdag niya.
Si John Roe, isang pahinante ng truck at kapitbahay ni Michael, ang siya mismong nakakuha sa video.
Kuwento niya, dapithapon ng Enero noong nakasakay siya sa truck sa RORO at pabiyahe ng Allen, Samar, nang may mapansin siyang kakaibang liwanag.
Lagi raw siyang dumaraan sa naturang ruta, ngunit unang beses niyang napansin ang umiilaw-ilaw na siyudad umano sa gitna ng dilim noong araw na iyon.
Nang i-zoom ang video, napansin niyang patay-sindi ang mga ilaw na tila nagsasayaw.
“Sobrang ganda po, napatulala na lang din ako sa nakita ko. Kulay ginto siya lahat, mataas na building, para silang advanced technology. Ang una talagang pumasok sa isip ko, Biringan City po talaga ‘yun,” sabi ni John Roe.
Pagkaraan ng ilang minuto, biglang namatay ang ilaw ng sinasakyan nilang barko.
Pasado 6 p.m. nang muling mag-chat si John Roe kay Michael para sabihing muling nagpakita ang Biringan City.
Tumagal ng halos kalahating oras ang mga misteryosong ilaw.
“Walang halong hallucination po, walang malikmata. Hindi po ako natutulog. Basta ako totoo ako sa sarili ko nakita ko talaga siya,” sabi ni John Roe.
Dagdag niya, tantiya niyang nasa Catbalogan siya nang kunan niya ang video.
“Hindi ko po pineke ‘yung video na ‘yun. Bahala po sila kung maniniwala sa akin o hindi. Basta alam ko sa sarili ko na tunay na nakita ng dalawa ko mismo,” sabi ni Michael.
Ang maalamat na Biringan City na nga kaya ang nasa video? Alamin ang natuklasan ng "KMJS" nang magsagawa sila ng pagsisiyasat. Panoorin sa video ang buong kuwento. --FRJ, GMA Integrated News