Isang sinaunang barya ang nabili sa halagang P1.4 milyon na isinagawang subasta o auction sa Makati.
Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News "24 Oras Weekend," sinabing ang lumang barya ay tinatawag na "Barilla," ay unang barya na gawa sa Pilipinas.
Bagaman hindi ito ang pinakamahal na barya na naibenta, ang naturang barilla umano ang pinakamahal na naibenta na barilla sa buong mundo.
Ang barilla ay yari sa tanso at nagkakahaga ng isang sentimo.
Sa gitna ng barilla, makikita ang Coat of Arms ng siyudad ng Maynila at may mababasang nakasulat na Barilla Ano De 1728.
Bago pa man magkaroon ng barilla, gumamit na umano ang mga sinaunang mga Pilipino ng mga shell, barter ring na gawa sa precious metal, at piloncitos na yari sa ginto, bilang pambayad sa mga produkto.
Ayon kay Kuya Kim, ang barya ay hango sa salitang barilla ng Kastila.-- FRJ, GMA Integrated News