Epektibo pa rin ang pakulo ang mga pulis sa Peru na gumagamit ng costume para manghuli ng mga sangkot sa ilegal na droga. Sa pagkakataong ito, sinabayan naman nila ang Halloween fever.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, mistulang dadalo sa Halloween party ang tatlong pulis na nagbihis bilang si Freddy  Grugger, Jason Voorhess at Tiffany na asawa ni Chucky.

Target ng police operation ang bahay sa San Juan de Lurigancho sa northeast Lima, na tirahan umano ng pamilya ng drug dealers.

Nang isagawa na ang operasyon, madidinig sa video ang sigaw na tila nasa horror house. Dalawa ang naaresto na mga miyemro umano ng Clan Balboa Gang, ang grupong pasimuno raw ng bentahan ng ilegal na droga sa lugar.

Ayon sa mga awtoridad, nasa 1,568 na pakete ng cocaine at mga pera ang nakumpiska sa operasyon.

Sinabi ng isang opisyal ng pulisya na sasamantalahin nila ang Halloween para masopresa ang kanilang target at mahuli sa akto ng pagbebenta ng ilegal na droga.

Hindi naman ito ang unang beses na nag-costume ang mga pulis sa Peru habang nagsasagawa ng opersyon kontra sa ilegal na droga.

Noong nakataang taon, may mga pulis na nagbihis na Santa Claus, at mayroon din mga nagsuot ng superhero costume.

Pangalawa ang Peru sa Colombia sa pinakamalaking producer ng coca leaf at cocaine sa mundo batay sa record ng United Nations.-- FRJ, GMA Integrated News