Ang Diplomat Hotel sa Baguio City ang isa sa mga itinuturing haunted na gusali sa bansa. Mayroon nga bang "madilim" na nakaraan sa likod ang hotel na ito at bakit may madre at pari na nagpapakita umano sa lugar. Alamin ang nakakakilabot na natuklasan ng paranormal investigator na si Ed Caluag.

Sa nakaraang Gabi ng Lagim XI special episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho,” muli nitong binisita ang kilalang hotel para tukuyin at harapin ang mga hindi umano pangkaraniwang nilalang.

Ang grupo nina Iya Carrera, bumisita sa Diplomat Hotel noong Disyembre 2022 at nag-video para sa Tiktok na kanilang katuwaan.

Pero nang i-upload nila ang video, isang netizen ang nagkomento tungkol sa anino na nakitang dumaan sa kanilang likuran. Ang tingin ni Carrera, tila isang madre ang naturang anino.

Ang turista naman na si Denny Sese, nag-video rin sa lugar habang kasama ang kaniyang pamilya. Nang bigla nilang mapansin ang pigura na nakadungaw sa bantang itaas na tila isang madre rin.

Pagkalabas nila sa gusali, mas lalo pa silang nabalot ng takot na bigla na lang nagsuka ang kaniyang anak.

Habang naglilibot ang KMJS team sa gusali, ilang beses silang may nai-record na hindi maipaliwanag na tinig.

Si Alvin Cuaresma na guwardiya sa Diplomat Hotel, ikinuwento na minsan ay may napansin siyang tila bata na tumatakbo sa gusali. Bukod dito, may naririnig din siyang kumakanta ng worship song sa simbahan.

May isang babae rin umano na nagpakita sa kaniya habang nagroronda siya sa gabi. At isang malaking lalaki na tila pari ang dumalaw sa kaniyang panaginip at sinakal siya nang tumanggi siyang pumasok muli sa loob ng gusali.

Nang ikuwento niya sa mga kasama ang masamang panaginip, doon niya natuklasan na may ibang guwardiya rin ang napanaginipan ang naturang pari.

Sa loob ng Diplomat Hotel, may isang silid na ipinagbabawal na pasukin ng mga empleyado noon. Ito umano ang kuwarto ng namamahala sa hotel na isa ring psychic surgeon, na may kakayahan umanong mag-opera gamit lamang ang mga kamay.

Ngunit dahil may mga taong hindi gumaling, sinampahan siya ng patong-patong na kaso hanggang sa inatake at namatay sa edad 42.

Mula noon, inabandona na ang Diplomat Hotel at inilipat sa pangangalaga ng City Environment and Parks Management Office ng Baguio City Hall.

Napag-alaman na dating bahay-bakasyunan ng mga madre at pari ang gusali. At nang magkaroon ng digmaan, sinalakay ng mga Hapon ang gusali at ginawang kuta ng mga Hapon.

Ang mga nakatirang madre at pari sa gusali, pinahirapan at pinatay. May mga nakuhang mga kalansay sa lugar para ma-restore, at tinawag na Diplomat Hotel.

Sa pagbisita ng paranormal researcher na si Ed Caluag, nakaramdam na agad na hindi siya tinatanggap ng mga elemento umano na nasa Diplomat Hotel.

Habang tinatangka niyang makipag-usap sa sino o anumang nasa paligid, may bigla na lamang sumagot sa kaniyang recorder na isa umanong demonic entity.

Isang madre naman umano ang nagturo kay Ed sa isang balon kung saan sila pinatay. Ang iba, isinabit sa puno at doon sinasaksak.

Tinanong ni Ed ang nasabing madre kung sino ang kinatatakutan ng mga kaluluwa, doon niya nalaman ang tungkol sa diablo na hindi puwedeng banggitin ang pangalan.

Nang puntahan naman ni Ed ang dating kuwarto kung saan isinasagawa ng psychic surgeon ang panggagamot, nahirapan na ang pakiramdam ni Ed.

Sa unang gabi ng kaniyang pag-iimbestiga, sinabi ni Ed na hindi niya kakayanin kung ipagpapatuloy niya ito. Nahirapan din siyang makatulog dahil sa pangyayari.

“Every time na pipikit ako, nakikita ko ‘yung loob ng Diplomat. Sabi niya, ‘Kapag bumalik ka dito, ako naman ang kukuha,’” kuwento ni Ed.

Pero dahil sa hangarin ni Ed na matulungan ang mga nakabilanggong kaluluwa sa Diplomat Hotel, nagpasya siyang bumalik pero isinama niya si Pastor Bong Villanueva, na isang deliverance minister.

“Ang kalaban ay hindi tao,” paliwanag ni Ed.

Mapatahimik o mapaalis na kaya nina Ed at Pastor Bong ang mga hindi mabilang na kaluluwa at iba pang elemento na patuloy na lumilibot sa makasaysayang Diplomat Hotel? Tunghayan ang buong episode sa video na ito ng “KMJS.” -- FRJ, GMA Integrated News