Dati na umanong may mga makapanindig balahibong nararamdaman ang ilang guro, kawani at mag-aaral sa isang paaralan sa Zamboanga City. Hanggang nitong nakaraang buwan lang, may aksidenteng nalitratuhan na imahe ng isang tila lalaki at isang babaeng nakaputi.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," Ikinuwento ng estudyanteng si Manuel na dakong 7:00 pm nang basta-basta na kumukuha ng larawan ang kaniyang kasama habang nasa isang gusali sila ng paaralan.
Pero nang tingnan umano nito ang isang kuha sa hallway, napansin nila ang imahe ng isang tila lalaki na nakaupo sa dulo at nakamasid sa kanila.
Dahil sa takot na baka magpakitang muli, kaagad na raw silang umalis. Sa kapareho ring gusali ng paaralan, isang imahe naman ng tila babae na mahaba ang buhok at nakadamit na puti ang nakuhanan din ng larawan.
Ang larawan ng lalaking nakaupo, ipinakita nila Manuel sa kanilang guro na Ritchie. Ang guro, hindi na nagulat dahil maging siya umano ay nakaranas ng mga hindi maipaliwanag na pangyayari.
Gaya ng paggalaw ng upuan sa classroom na wala namang ibang tao na gumagalaw. May nakita rin umano siyang anino na tumakbo nang minsan pupunta siya sa banyo.
Maging ang utility personnel na si Erlinda, ikinuwento nang minsang naglilinis siya ng banyo nang may madinig siyang kumakatok. Pero nang buksan niya ang pinto, wala siyang nakitang tao.
Ang ilang estudyante, sinabi naman na may nadidinig silang yabag sa hallway, at nakakaamoy din ng sampaguita at kandila.
Para alamin kung ano ang nasa likod ng pinapaniwalaang pagpaparamdam ng mga hinihinalang kaluluwa, isang grupo ng paranormal investigator ang nagpunta sa paaralan.
Pagpasok pa lang nila sa gusali kung saan sinasabing nakita ang lalaking nakaupo at babaeng nakaputi, may naramdaman na kaagad sila.
At nang subukan nilang kausapin ang umano'y mga nagpaparamdam gamit ang "spirit box," may tinig daw silang nadinig sa salita doon na Chabacano. Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News