Nahuli-cam ang pagpasok ng dalawang malaking elepante sa isang bahay sa Yunnan Province sa China para maghanap ng makakain.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita sa kuha ng CCTV camera ang pagsira ng elepante sa nakasaradong gate ng bahay noong madaling araw ng Setyembre 28.

Maya-maya pa, makikita na dalawa na ang elepante sa paghahaluglog sa bahay na umabot pa umano sa kusina.

Ang isang elepante, nakita naman na may karton sa bibig na tila nginunguya niya.

Hindi nagtagal, tahimik din na umalis ang dalawang elepante na muling dumaan sa gate na kanilang sinira.

Iniwan ng dalawang elepante ang magulong bahay at ilang gamit ang nasira, kabilang ang rice cooker.

Napag-alaman sa may-ari ng bahay na hindi iyon ang unang beses na may elepante na pumasok sa kanila para maghanap ng pagkain. --FRJ, GMA Integrated News