Nakakuha ng mga negatibong reaksyon mula sa netizens ang viral video ng pag-iyak ng isang aso dahil kasama nito sa kulungan ang isang malaking sawa sa Guinayangan, Quezon.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood ang video ng pag-iyak ng nakakulong na aso na tila humihingi ng tulong.

Inakala ng ilang netizens na nakapanood ng video na ipakakain sa alagang sawa ang aso.

Ngunit nilinaw ng may-ari ng aso na hindi ito intensyon ng kaniyang tauhan.

Paliwanag niya, bawal ang pagala-galang aso sa lugar nila kaya minabuti nila itong ikulong kasama ang alaga nilang sawa bago i-turnover sa mga awtoridad.

Humingi naman ng paumanhin ang uploader, na sinabing hindi niya intensyon na mag-viral ang video at pagkakitaan ito.

Kinumpiska na ng City Environment and Natural Resources Office ng DENR sa Calauag, Quezon ang sawa matapos malaman ang tungkol sa viral video.

Nagpaalala ang mga awtoridad na bawal ang pag-aalaga ng anumang hayop o halaman mula sa wildlife.

Nasa pangangalaga na ng LGU ang aso. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News