Isang empleyado sa Maynila ang hiningan ng "limos" ng dalawang lalaki sa ibabaw ng Quezon Bridge. Nang hindi siya magbigay, nagdeklara ng holdap ang mga suspek sabay tutok ng patalim.
Sa kabutihang-palad, may nakitang police bike patroller ng Manila Police District ang biktima na kaniyang hiningan ng tulong.
Sa video ng GMA News Feed, mabilis na umaksyon ang mga awtoridad at nasakote ang mga suspek na sina Jessie Delima at Alfredo Manimog.
Ayon sa pulisya, batay sa kuwento ng biktima, naglalakad siya sa ibabaw nang tulay nang lapitan siya at hingan ng pera ng dalawang suspek.
Nang hindi nagbigay ng pera ang biktima, nagdeklara ng holdap ang dalawa.
Kinuha nila ang bag ang biktima, gadgets at pera na P3,000.
Nabawi naman ang pera at gamit ng biktima mula sa mga suspek na nahulihan din ng dalawang patalim na ginamit nila sa krimen.
Ayon sa pulisya, nakatambay sa lugar ang dalawa at posibleng naghihintay ng mabibiktima.
Tumanggi ang dalawang na magbigay ng pahayag.-- FRJ, GMA Integrated News