Ilang duktor at manggagamot umano ang tumingin sa sugat sa paa ng isang lalaki sa Pangasinan pero hindi pa rin ito gumagaling. Ang sugat, nagsimula raw lumitaw matapos na sapian ng elemento ang lalaki.

Sa programang "Dapat Alam Mo," sinabi ni Teresita Javier na nagsimula raw ang kababalaghan sa kanilang bahay noong 2016.

Sa kalagitnaan umano ng gabi, ginising si Teresita ng kaniyang anak na si Franco at sinabing may kakaiba siyang nararamdaman na tila sumanib sa kaniya.

Simula noon, nagkaroon na ng mga sugat sa paa si Franco at hindi na nawawala, at tila patuloy na lumalala.

"Nung sinasapian siya ang dami nang tumubo sa kaniya. Hindi maintindihan, pabalik-balik. Pinatanggal ko na nga yung kuko para ano...pero wala rin bumalik din," kuwento ng ginang.

Ayon kay Franco, iba't ibang elemento ang kaniyang nakikita sa kanilang bahay. Mayroon umano siyang nakikitang white lady, at nadidinig na sitsit ng duwente.

Upang malaman kung ano ang gumagamba kay Franco, pinapunta sa kanilang bahay para magsiyasat ang Paranormal researcher na si Ed Caluag.

Nagsagawa ng ritwal si Ed para kausapin ang elemento na sinasabing sumanib kay Franco. Gayunman, lumitaw na bagaman mayroong espiritu sa paligid, hindi umano ito sumanib sa katawan ni Franco.

"Dapat irespeto natin yung mga nilalang na hindi natin katulad. Kasi once na may respeto ka sa kanila, hindi ka nila gagalawin. Kaya nagkaroon tayo ng salitang tabi-tabi po, makikiraan po. Para magbigay respeto sa mga hindi tao, at hindi nakikita ng pagkaraniwang mata," payo ni Ed.

Pero ano nga bang elemento mayroon sa bahay at ano ang masasabi ng psychologist at dermatologist sa katulad na sitwasyon ni Franco? Panoorin ang buong kuwento. -- FRJ, GMA Integrated News