Hinahanap ngayon ng mga awtoridad ang dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo na tumangay sa mga gamit ng dalawang digital content creator na magsu-shoot sana ng music video sa isang tulay sa Pasig City.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ng mga biktima na sina Humphrey Dangkulos at Johann Morales na pinili nilang mag-shoot sa Vargas Bridge ng madaling araw para walang masyadong dumadaan na sasakyan.
Pero natiyempuhan naman sila ng dalawang kawatan na sakay ng motorsiklo na kunwaring nagtanong muna sa kanila ng direksyon bago sapilitang inagaw ang bag nila na naglalaman ng mga camera, extra batteries, tripod, cell phone, at iba pang gadgets.
“Tinakot ako na kukunin niya daw po yung baril kaya binitawan ko na po [yung bag],” ayon kay Dangkulos.
Ipinost ng mga biktima sa social media ang video na kuha nila nang dumating ang mga kawatan sa pag-asang may makapagbibigay ng impormasyon para makilala ang mga ito.
Hindi naman nabigo sina Dangkulos at Johann Morales dahil may mga netizen na nagbigay ng impormasyon sa account ng suspek at posibleng lokasyon ng mga ito.
Tugma naman umano ang tip sa posibleng kinaroroonan ng mga suspek, na kapareho sa impormasyon na nakuha nila sa nanakaw na mobile phone.
“Dito tayo magsisimula dahil unang una, nakita po natin yung kabuuan ng mukha ng suspek at nung pinopost ng biktima natin, madami po ang nagbigay ng positibong impormasyon,” sabi ni Pasig chief of police Police Colonel Celerino Sacro.—FRJ, GMA Integrated News