Isang babae ang hinoldap habang nasa kalagitnaan ng kaniyang live selling sa Laguna. Ang isa sa mga suspek, kapitbahay lang pala ng biktima.
Sa ulat ni Denise Abante ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog sa GMA News Saksi nitong Lunes, sinabing 1:00 pm noong nakaraang Martes nang maholdap ang biktimang si Agnes Serafica, 52-anyos, ng Sta. Rosa, Laguna.
Sa video, makikita ang pagpasok ng suspek na nakasuot ng helmet at itinaob ang cellphone na biktima na ginagamit sa live selling.
Inutusan nito ang mga biktima na hubarin ang kanilang mga alahas. Ayon sa biktima, may baril ang suspek.
"Nakita ko po na may baril siya, so kaya po dumapa na kami. Hinihingi po niya ‘yung pera sa’min which is wala naman po talaga kaming pera. Hanggang sa ang kinukuha na lang nilang pilit is ‘yung alahas ko,” sabi ni Serafica.
Bukod sa lalaking nakita sa video, may kasabwat pa raw ito na naghihintay sa labas ng bahay. Mabilis silang umalis sakay ng motorsiklo.
Nasa pitong alahas umano at cellphone ang nakuha ng mga suspek na aabot sa P100,000 ang halaga.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na kapitbahay ng mga biktima ang isa sa mga suspek. Sumuko na ito sa mga awtoridad.
“Lagi niyang nakaka-kwentuhan ‘yung tatay ng biktima. Accordingly, nagkukuwento ‘yung tatay na may three million [pesos] daw sa kuwarto, nakatago. ‘Yun ang pinag-interesan base doon sa conversation at chat ng dalawang suspek,” ayon kay Police Leiutenant Colonel Dwight Fonte, Jr. hepe ng Sta. Rosa City Police Station.
Nahaharap sa mga kaukulang reklamo ang mga suspek na sinusubukan pang makuhanan ng pahayag, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News