Naalarma ang mga residente at rumesponde ang mga awtoridad pati ang ilang mamamahayag sa Barangay Busay sa Cebu City matapos madiskubre sa isang bakanteng lote ang puting tarpaulin na ipinambalot sa hindi kaagad malamang uri ng bangkay na umaalingasaw na ang amoy.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkules, sinabing unang dumating sa lugar ang mga opisyal ng barangay nang i-report sa kanila ang nakitang tarpaulin na pinapangambahay na baka bangkay ng tao ang nasa loob.
Kaagad na pinakordon ng barangay ang lugar upang hintayin ang mga pulis na magsisiyasat, at may dumating pang mga mamamahayag.
Pero nang buksan na ang tarpaulin, tumambad ang bangkay ng isang malaking aso na black labrador.
Pag-amin ng punong barangay na si Maria Christia Famador, kinabahan din siya na baka bangkay ng tao ang nasa loob ng tarpaulin gaya nang nangyari noon sa nakitang bangkay sa Barangay Tisa sa nasabi ring lungsod.
Ang tinutukoy ni Famador ay ang pagkakatuklas sa bangkay ng 19-anyos na biktimang si Reah Mae Tocmo, na isinilid sa karton at nakita sa gilid ng kalsada noong Hulyo.
Nakiusap naman ang kapulisan at barangay sa mga tao na ilibing nang maayos ang kanilang alaga na namatay upang hindi magdulot ng takot sa ibang tao. --FRJ, GMA Integrated News