Isang tulay sa Antipolo City, Rizal ang nababalot daw ng kababalaghan dahil sa umano'y white lady na nagpapakita sa lugar. Ang kilabot, lalo pang tumindi nang makuhanan ng video ang tila babae na mahaba ang buhok at nakaputing kasuotan habang nakaangkas sa motorsiklo. May kaugnayan kaya sa kababalaghan ang isang dalagitang nakita ang bangkay malapit sa tulay?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang aktuwal na kuha ng video ng tricycle driver na si Christian del Castillo, tungkol sa pinaniniwalaan niyang white lady na nakaangkas sa motorsiklo na nag-overtake sa kaniya.
Kuwento niya, papunta siya sa kaniyang nobya isang gabi nang mangyari ang umano'y kababalaghan sa tulay na nasa Barangay Calawis.
Mabagal lang daw ang takbo ng kaniyang tricycle noon kaya nag-overtake sa kaniya ang nakasunod na motorsiklo.
Nang silipin daw niya ang motorsiklo sa side mirror, sinabi ni Christian na wala siyang nakitang angkas ang rider.
"Nu'ng nag-overtake na po siya sa akin meron na po siyang angkas. Babae po, parang nakaharap po siya sa akin eh. Wala po siyang kamay, nagtayuan ang balahibo ko," ayon kay Christian.
"Naisipan ko po talagang videohan baka namamalik-mata lang po ako. Ang video po hindi naman makakapag-sinungaling 'yan," patuloy niya.
Sa takot daw na baka lumipat sa kaniya ang nakaangkas na babae, itinigil na niya ang pagkuha ng video.
Pero bago siya makarating sa isa pang tulay, nakita raw ni Christian ang rider na may angkas na white lady na nakatigil kaya kinausap niya ito at sinabihan tungkol sa nakita niyang angkas na babae.
Ngunit ayon umano sa rider, wala siyang sakay sa motorsiklo pero naramdaman daw niya na mabigat ang likod niya kaya siya huminto para tingnan kung may problema ang kaniyang sasakyan.
Sabi ni Christian, hindi niya kilala ang rider at hindi na niya nakita muli. Sinubukan din ng KMJS team na hanapin ang rider pero hindi nila matunton.
Pero bago pa man makuhanan ni Christian ng video ang umano'y white lady, may iba pang rider na may kani-kanila ring kuwento tungkol sa misteryosong babae na nakaputi at mahaba ang buhok.
Si Reynaldo Zonio na nakatira malapit sa tulay, nakita raw ang isang babae na nakaupo sa panulukan ng daanan. Nakalugay daw ang mahaba nitong buhok, at puti ang mahabang kasuotan pero hindi niya makita ang mukha.
Binilisan umano ni Reynaldo ang andar ng kaniyang motorsiklo habang nillilingon ang babae dahil sa takot na baka umangkas ito sa kaniya.
Si Benj Asiong, nasiraan daw ng motorsiklo sa tulay ng isang gabi rin. Dahil madilim sa lugar, nagbukas siya ng ilaw at doon ay biglang tumambad ang white lady na bigla ring nawala.
Dahil sa naturang mga kuwento, may kaniya-kaniyang hinala ang mga residente sa lugar kung ano ang posibleng sinapit ng white lady para magparamdam sa tulay.
Bagaman may mga nagdududa sa video ni Christian, nanindigan siya na hindi gawa-gawa lang ang nahuli-cam niya nang gabing iyon.
Para alamin kung ano ang misteryong bumabalok sa tulay, nagsagawa ng pagsisiyasat ang paranormal researcher na si Ed Caluag.
Bago pa man siya makarating sa tulay kasama si Christian, may nadidinig na umano si Ed na sigaw ng isang babae na "Huwag!, huwag!"
Hinala niya, "parang estudyante."
Nang marating nila ang tulay kung saan nakita ni Christian ang nakaangkas na misteryosong nilalang, nagpatulong si Ed kay Christian sa pamamagitan ng ritwal upang mapuntahan niya ang "kabilang lugar."
Habang nakapikit, sinabi ni Christian na nasa isang bahay siya na walang bubong at walang pader. Pero maya-maya lang, tila hindi na niya kinaya ang kaniyang nakikita kaya "ginising" na ni Ed si Christian.
Napasuka pa si Christian nang mahimasmasan kaya kinailangan muna siyang pagpahingahin.
Naitanong ni Ed kung may biktima ba ng panggagahasa na itinapon sa lugar.
Sa pagtatanong ng "KMJS" team sa mga residente sa lugar, natuklasan na may mga biktima ng krimen na itinatapon noon malapit sa lugar.
Isa rito ang bangkay ng isang 16-anyos na babae na nakita sa damuhan na malapit sa tulay. May hiwa ang mukha nito at pinaniniwalaang ginahasa.
Nakumpirma naman ang naturang krimen dahil naibalita pa ito noong 2019.
Sinubukan ng KMJS team na mahingan ng pahayag ang pamilya ng dalagita pero hindi na sila nagpaunlak ng panayam.
Ang dalagita nga kaya ang white lady na sinasabing nagpapakita sa tulay? At totoo nga ba ang video na kuha ni Christian? Alamin ang buong ulat sa video ng "KMJS."--FRJ, GMA Integrated News