Nakatitipid sa panggastos sa ulam ang ilang overseas Filipino workers sa Taiwan dahil sa biyayang mga naglalakihang isda na nakukuha nila sa ilog at sapa doon.

Sa video ng GMA News Feed, makikita sa video ng factory worker sa Taiwan na si Ran Olivares, ang napakaraming isda na nagkukumpulan sa bahagi ng ilog.

"Gusto lang po naming makapag-ipon. Ang ginagawa namin ay para makalibre ng ulam," sabi ni Ran.

Sa isang araw na pangingisda, sapat daw ang nahuhuli nila para sa 100 nilang kasamahan sa pabrika.

Hindi naman daw bawal ang pangingisda sa mga ilog sa Taiwan bagaman may mga lugar na hindi puwedeng puntahan dahil marumi o kontamido ang tubig ng kemikal.

Pero malinis naman daw ang marami sa mga ilog sa Taiwan gaya sa lugar kung saan sila nanghuhuli.

Masuwerte rin daw sina Ran dahil malapit sila sa lugar na hindi kamakain ng isda at karne ang mga tao dahil sa kanilang relihiyon at tanging gulay lang ang kinakain.

Nagmula sa pamilya ng mga mangingisda si Ran pero ngayon lang daw siya nakaranas ng ganoon karaming nahuhuling isda.

Sana raw ay ganoon din ang kalagayan ng mga ilog sa Pilipinas. --FRJ, GMA Integrated News